Manindigan laban sa police abuses, labanan ang diskriminasyon.
Tutulan ang mga harassment raids sa ating mga bars!
* Isang gabay para sa dagdag kaalaman ukol sa karapatan ng mga law-
abiding bading at silahis, kapag hinaharass ng persons in authority
Inihanda ng ProGay Philippines sa pakikipagtulungan ni Atty. Gari B.
DUMADALAS ang mga kaso ng raid ng pulis sa ating mga favorite private bars
na madalas gimmick places ng mga discreet at metrosexual na kapatiran.
Habang tumitindi ang krisis pang-ekonomiya at pampulitika sa gobyerno at
umaalingasaw ang baho ng mga expose at korupsyon, naghahanap ng dibersyon
ang rehimen at pinagdidiskitihan ang mga homosexual, Muslim, magsasaka
at iba pang sektor sa ngalan ng moral recovery at stability.
Sa lumalaganap na harassment laban sa mga bakla, kadalasang ginagawang
prente ng arresting officers ay para magsakdal ng kasong kriminal sa bar
owners at employees dahil sa umano ay mga immoral na gawain ng mga
empleyado, tulad ng pagsayaw ng mga go-go boys at waiter na halos walang
saplot.
Pero madalas ay dinadawit ang mga walang kamalay-malay na customer at
sinasama ng raiding team sa pag-aresto. Madalas ay nagsasama pa ng alagad
ng mass media para ibilad sa madla at isubo sa kahihiyan ang mga
madalas ay closetted na mga bading at bisexual.
Recently lang, nilusob ng pulis ang isang bar sa Malate nang 4:00 a.m. at
dinakip ang manager, mga mananayaw at mahigit 80 parokyano, umano ay sa
bisa ng paratang na paglabag sa Article 201 ng Revised Penal Code. Ang
basehan daw,mayroon umanong malaswang palabas o lewd acts sa loob ng bar.
Tinakot ang mga parokyanong karamihan ay mga bagets at yuppies, isinakay sa
jeepney, dinala sa isang detention center at pilit na ikinulong hanggang
5:00 p.m. kinabukasan.
Dito ay pilit silang pinasulat ng kanilang pangalan at pinagpiyano sa
fingerprint section. Napakawalan lamang ang maraming detainee dahil sa paggigiit
ng civil and political rights natin bilang citizens.
Ang raid na ito ay malinaw na paglabag sa ating karapatang pantao. Sinasamantala
ang ating kawalan ng kaalaman sa batas. Ginagawa ito ng authorities madalas ay
para mangikil ng pera dahil alam nila na malamang ay maglagay na lang ng grease
money ang mga ginigipit na biktima kapalit ang paglaya sa detention.
Kung lagi na lang tayong ignorante sa batas, uulit-ulitin lang ito. Kung tayo
naman ay marunong na sa batas, walang kwenta din kung mananahimik na lang tayo
at tatanggapin ito na parang kapalarang mana ng mga tila bang isinumpa at
makasalanang salinlahi ng mga bading ng kasaysayan.
Matuto na tayong maging mulat sa ating karapatan. Manindigan tayo na tayo ay
may karapatan din at dapat ay malaya sa abuso ng kapangyarihan.
Mahalaga din ang magkaisa tayo bilang isang gay community sa paggiit ng
karapatan. Hindi ito kaya ng kakaunting community leaders na may malakas ang loob.
They will not always be ready to come to your rescue or be ready and at hand
when you need them
Lalong hindi kaya ng kakaunting human rights lawyers na abala na din sa heavy
caseload, at mahirap naman na asahan silang laging maghanap ng paraan sa pusikit
na dilim ng gabi o madaling araw para makipagtalo sa pulis at korte. Sa ating
sariling lakas, mapipigilan natin ang abuso at mababawasan natin ang pagkaapi
at pagyurak sa ating pagkatao.
Makakatulong na pag-aralan ang mga sumusunod na tips paano makakaiwas ang gay,
bi at metrosexual sa common legal problems, at i-share sa mga kapatid.
Kapag nalagay ka sa sitwasyon na may raid at tayo ay sasabihan na aarestuhin
o "invited for questioning sa presinto," may warrant man o wala, alamin kung ano
ang ikakaso ng raiding team. Maging magalang sa pagtanong para wala silang dahilan
na kasuhan ka ng resisting arrest. Makipagtalo nang malumanay.
Ano ang dapat gawin kapag inaaresto na? Maaaring gawin ang sumusunod:
Maging kalmante. Mag-concentrate sa bawat isang pangyayari at huwag padala sa
maling imahinasyon sa kung ano ang maaaring mangyari later. Huwag mo munang isipin
kung tatanggalan ka ng mana kapag nadiskubre ng iyong parents na badiklang ka pala,
para hindi ka mag-panic. Kapag naging careless ka, mas malamang na makakagawa ka
ng wrong move.
Magpatulong sa mga kaibigan na kasama sa bar o yung nasa labas ng bar. Hilingin
na sila ay maging saksi sa iyong pag-aresto. Dapat mong kunin ang pangalan ng
arresting officer, kung ano ang posisyon o katungkulan niya at kung saang yunit
siya galing.
Humingi ng awtorisadong kopya ng pag-aresto at ito'y suriin nang mabuti. Tingnang
mabuti kung nakasaad ang iyong pangalan at ang offense. Take note kung may pirma
ng judge. At kung walang warrant of arrest, ipaalam sa arresting officer na ikaw
ay inaaresto na walang warrant.
Kung may nakita kang depekto sa mandamyento de aresto, tanggihan ang pag-aaresto.
Sabihin mo ang hindi mo pagsang-ayon sa warrant of arrest. Sabihin mo na alam mo ang
iyong mga karapatan. At kaya ka lang sumama sa kanila ay para maiwasan ang gulo.
Kung ang pag-arestonaman sa iyo ay ligal at sang-ayon sa batas, maaaring ikaw
ay hanapan ng baril o kutsilyo at iba pang ebidensya na may kinalaman sa pagkaka-
aresto sa iyo.
Magtanong sa iyong arresting office kung saan ka dadalhin at magpasama sa iyong
kaibigan o kakilala para maging saksi sa iyong pagkaka-aresto. Isiguro sa iyong
arresting officer na ito'y para sa kapakanan ng magkabilang panig.
Ipaalam sa iyong abogado ang pangyayari o ipatawag ang mga abogado kung kaya
mong mag-text sa mga kaibigan. Ibigay sa iyong abogado ang mga sumusunod na
impormasyon: ang pangalan ng iyong arresting officer, ang kasong isinampa sa iyo
at kung saan ka dadalhin.
Huwag kang sumama sa kanila kung ang umaaresto sa iyo ay naka-sibilyan o kaya
ay ayaw magbigay ng kanilang pangalan, at walang maipakitang warrant of arrest.
Sabihin na tatawag ka muna sa pulisya para patunayan ang awtoridad nila sa
pag-aaresto.
Kung ikaw ay sasabihan na hindi ka naman ina-aresto,bagkus ay iniimbitahan
lamang upang tanungin, sagutin mo sila ng ikukunsulta mo muna ito sa iyong
abogado. Ang iyong abogado na kumausap sa mga officers para ayusin ang petsa,
oras at lugar ng questioning.
Kung sila ay tumanggi sa iyong pakiusap, huwag kang sumama sa kanila. Kung
sila ay magpumilit na isama ka at kumilos na parang ikaw ay ina-aresto, gawin
ang sumusunod:
* Hayaan mong ikaw ay buhatin nila. Sumigaw at humingi ng tulong, gumawa ng
eksena nang sa gayon ay makita ng mga tao kung ano
ang ginagawa nila sa iyo.
* Tandaan ang lahat ng ginagawa nila sa iyo na labag sa iyong karapatan, at
ito ay isampa mo ng reklamo sa harap ng hukom o ng fiscal sa pinakamaagang
pagkakataon.
Kung sa labas naman ng bar ka dadakpin, halimbawa ay sa sementeryo, sa Boom
na Boom Bakahan Alley, sa Quezon Memorial o Quezon Avenue, ang karaniwang
ikakaso sa biktima ay vagrancy o Article 202 ng Revised Penal Code. Ang
vagrant ay mga tinuturing na taong palaboy.
Sino ang maaaring bagansyahin?
* Kung ikaw ay itsurang mahirap pero mukha namang malusog at wala kang
hanapbuhay o hindi ka nag-aaral. Ang palatandaan daw nito ay kung wala
kang maipakitang employment ID or school ID.
* Kung ikaw ay mukhang mahirap at tumatambay sa mga pampublikong lugar.
* Kung ikaw ay hindi nag-aaral o nagtatrabaho at ikaw ay natutulog sa mga
di kanais-nais na lugar.
* Kung ikaw ay palaboy-laboy sa mga bakanteng lote na pag-aari ng iba.
So ibig sabihin kung ikaw naman ay mukhang disente at may ID sa trabaho at
naglalakad lang talaga pauwi ay hindi ka dapat mabangansya. Ang vagrancy law
ay isang lumang batas na noon pang panahon ng mga Spanish authorities para
madaling makontrol ang mga nagnanais kumontra sa paghahari ng Espanya.
Sa ating kasawian, ginagamit pa rin ang pesteng batas na ito, kahit wala
nang batayan. Pero habang nariyan pa ang batas na yan, ano ang pwede nating gawin?
Ano ang dapat gawin para makaiwas sa kasong bagansya? Ang bagansya ay isang
lumang batas na panahon pa ni Maria Clara ang origin at dapat na ngang ibasura.
Wala na itong dahilang manatili pa sa modernong kahulugan ng buhay. Krimen ba
naman kung ikaw ay mukhang mahirap? Krimen ba kung wala kang maipakitang ID?
Juice ko pineapple!
So ibig sabihin kung ikaw naman ay mukhang disente at may ID sa trabaho at
naglalakad lang talaga pauwi ay hindi ka dapat mabangansya. Kaso ikukulong
ka pa din!
Ano ang dapat gawin kapag isinakay ka na sa police mobile at dalhin sa presinto?
Maaaring gawin ang sumusunod ayon sa basic human rights ayon sa Bill of Rights
sa Constitution:
1) Manatiling tahimik at magpa-assist sa isang abogadong na ikaw o kaibigan mo
ang pumili. You have the right to remain silent.
2) Tiyaking hindi ka sasaktan, hihiyain, lilinlangin, o bibigyan ng pangako ng
pabuya o bigyan ng droga na maaaring ipanghina ng iyong malayang pag-iisip.
3) Na dalhin agad ka kaagad sa korte. Ang panahong maaring i detain ang nahuli na
walang pagsampa ng anumang kaso ay:
* Para sa light offense, example, sa paglabag sa Article 202 (vagrants and
prostitutes), ito ay may parusang arresto menor (1 day to 30 days imprisonment),
na light penalty, kaya ang detention ay dapat tumagal lamang ng 12 oras.
* Yung may record na ng conviction for vagrancy at nahuli muli again and again
ay maaring patawan ng parusang arresto mayor hanggang prision correccional
(2 months and 1 day to 1 year,1 month and 10 days) na correctional penalty na
kaya ang maximum hours of detention prior to filing a case in court ay 18
hours lamang.
* Para sa salang paglabag sa Article 201 (obscene publications and exhibitions,
indecent show) - ang krimeng ito ay may parusang prision mayor - pagkabilango
mula 6 na taon at isang araw hanggat 12 taon - na afflictive penalty, ang
detention na walang pagsampa ng anumang kaso ay maaring tumagal ng 36 hours
4) Na magsampa agad ng pormal na reklamo sa pagharap mo sa isang hukom kung ikaw
ay minaltrato, pinahiya, o hindi binigyan ng isang abogado na ikaw ang pumili.
Kapag hindi mo afford makakuha ng pricey abogados de kampanilya, dapat ay
bibigyan ka ng Public Attorney Office or PAO lawyer.
5) Na ikaw ay mapiyansahan kung ikaw ay hindi nakasuhan ng krimen na maaaring
mapararusahan ng kamatayan (capital crime) at ang ebidensya sa iyo ay malinaw.
6) Kung ikaw ay menor de edad (below 18 years old), dapat na dalhin ka kaagad
sa jurisdiction ng Department of Social Welfare and Development or DSWD. Bawal
sa batas ang ma-detine sa police jail ang minors. Ang sabit lang dito, siyempre
dapat tawagin ang iyong parents na silang susundo sa iyo para sa proper turnover,
dahil nga minor ka. Mabubukelyas ka, sister. Game ka na ba na ma-celebrity roast
ng iyong mother and father over dinner? Game na game na!
7) Dapat ding linawin sa pulis na ang dapat managot sa kasong malaswang palabas
o Article 201 ay yaong nagpapalabas - that is, ang may-ari, promotor, manager at
mananayaw. Hindi kasama ang mga manonood na paying clients. Dapat nating igiit na
ang Article 201 ay hindi sumasaklaw sa ating kapatiran kung tayo ay nanonood lamang.
8) Kapag lumampas ang detention sa nasabing time limit, ang nang-aresto at nang-
detain na opisyal/pulis ay liable for violation of article 125 ng revised penal code
(ang pwede nating ihabla ay "delay in the delivery of detained persons to proper
judicial authorities). Hindi excuse kung ang nang-detain sa iyo ay sibilyan,
dahil liable pa rin sila under article 125 (illegal detention naman ang krimen).
Ngayon, kung lumabas na wala naman talagang ground ang paghuli sa kanila at sila
ay nadetain, kahit ilang minuto lang, ang pulis ay liable for violation of artile 124
(arbitrary detention).
9) Kapag isasalang ka sa medical examination. dapat ring sabihing may karapatan
ang sinumang nahuli na di naman nabugbog na tumanggi sa libreng serbisyo na ito
dahil hindi naman siya kasama sa 10-point program ng administrasyon sa State of
the Nation address. Paano pa kaya kung bigla kang singilin at hindi pala
chargeable sa PhilHealth? Loss, di ba? Ang purpose ng pulis para sa medical
examination ay para lang may mapanghawakan ang mga pulis na walang injury, bugbog,
atbp ang mga nahuli. Gumawa ka na lang ng kasulatang nagpapatotoo na hindi ka
nabugbog. Pero kung may injury, makabubuting magpa-medical exam para may ebidensya.
Usually ito ay general examination lang at dapat ay walang kuhanan ng tissue or
blood specimen. Pero in usual practice, walang karapatan ang estado na pwersahin
ang mga "naimbita" na mag pa drug-test, HIV test, etc. Ayon sa Philippine HIV/AIDS
Law, ang HIV test ay laging may consent ng kukuhanan ng test at hindi ka pwedeng
pwersahin.
Isang useful tip - Nakakuha ng ruling mula sa Regional Trial Court ng Quezon City
na ang vagrancy law ay unconstitutional. Hindi na umapela ang solicitor general
kaya hindi umabot ang kaso sa supreme court. Kapag nahuli ka ulit sa kasong
vagrancy, it's your choice to shine with extra challenge, maging trail blazer at
buong giliw mong ilaban sa korte na walang bisa ang batas kaharap ng cameras ng
kapuso at kapamilya news reporters.
Tandaan: Kadalasang ginagawa ng mga umaaresto ay iharap sa inaaresto ang isang
confession na gawa nila at ito ay pinapipirmahan sa inaaresto nang walang
pagkakataong ito ay mabasa mo pa. Delikado ito, may posibilidad na kung ano-ano
ang masingit na salaysay.
Gayunpaman, ang mga confession na walang pag-assist ng isang abogado ay hindi
na pinapayagan ng korte. Kaya ang ginagawa ng mga nanghuhuli ay nagsasama sila
ng kasamahang abogado para gamitin sa confession.
Kung ganito ang pangyayari, maging kalmado at sabihin sa nanghuhuli na gusto mo
pa rin ng isang abogado of your choice at ikaw ay bigyan ng pagkakataon na maka-
contact sa iyong abogado. Ayon sa Miranda rights, ikaw ay entitled na makigamit
ng telepono sa presinto o detention facility.
Higit sa lahat, intensyon ng arresting authority na ibilad sa kahihiyan ang
inaresto at madalas ay nananadya pang ibulgar ang ating lihim na sexualidad
sa ating mga kamag-anak. Ang masamang practice na ito ay mawawakasan lamang kung
tayo ay maninindigan na din sa ating identity bilang isang GAY COMMUNITY. Simulan
na nating magpatingkad ng ating orgullo o Gay Pride sa ating puso, isip at gawa
para hindi tayo laging ginagawang target ng harassment raids. Simulan nang maging
out sa mga kamag-anak natin dahil sila ang dapat tumulong sa atin kapag napapahamak
tayo. Huwag nang hintayin pang matuklasan nilang bakla ka kapag ikaw ay nasa likod
na ng rehas o isa nang malamig na bangkay!
Walang silbi ang sama ng loob at galit kung lagi na lang sa dilim at lihim ng
pagkukunwari at pagkukubli ito ibuburo dahil mabubulok lang yan. Isigaw ang ating
kapaitan. Iladlad ang identidad. Ipakita sa authorities na ang shame campaign
ng gobyerno ay walang bisa sa harap ng komunidad na may paninindigan, may malasakit
sa pagkaapi ng kapwa at matalas ang pagharap sa mga maling paratang at bintang.
Simulan nang isulat sa papel o internet ang mga kaso ng harassment laban sa ating
hanay. Tipunin ito at ipaabot sa ProGay at iba pang gay groups, isangguni sa
mga legal experts at gawin nating batayan para sa pagbabasura ng mga mapaniil na
batas tulad ng Anti-Vagrancy Law. Kausapin na din natin ang mga may-ari ng bar at
gimmick places para sila ay manindigan na din at harapin ang problema ng sunod-sunod
na raid.
Para sa dagdag na diskusyon at para mag-ulat ng mga undocumented cases of harassment,
kumontak sa ProGay sa tel. 367-3109 o 3712302, 0921-3398955 o email sa
progay@yahoo.com
I-print ang advisory na ito at ilagay sa inyong bulsa at bag sa susunod na gimik
mo sa Malate at iba pang rampa places. I-xerox at i-share sa mga kapatiran at
kausapin mo na ang iyong best friends para alam nila kung paano ka tutulungan kapag
ikaw na ang malasing maging next victim.