(no subject)

Oct 11, 2008 19:49

4B,
Bigla ko kayong na-miss.T_T

SALAMISM: SA AGWAT NG BAWAT AGWAT
ni Sonny B. Santiago

Tinuruan Mo kaming lumikha
Bakit ngayo'y nagwawasak, pumpunit ng kahapon?
Nagtitilad ng mga pangarap
Nag-iipon ng takot at alinlangan
Nangangambang sumabog!
Sumambulat sa harapan!
Ang likha ng mga litong isipan
Ang bakas na gulanit na guniguni

Ang dagundong ng tibok.
Ang karerahan ng mainit na dugong
dumadaloy sa bawat ugat ng pagkatao
Bakit unti-unting nalulugmok?
Hindi makausad sa masalimuot na katotohanan?

Madilim... Madilim... Madilim...

May agwat pa ba sa pagitan ng bawat agwat?
Upang huminga.
Upang mag-inat
Upang hanapin sa bawat agwat
Ang nawawalang piraso ng nakaraan,
ng ngayon at ng hinaharap.

Mabilis na lumipad ang aking ulirat
sa walang hanggang balintataw,
ng mga adhika, at pangitain.
Pangitaing kumukutkot sa pag-iisa
sa paghahanap nang nais makita
sa pagdama ng mga unti-unting pagkalugmok
Dahan-dahan
Unti-unti
Hanggang sa magkagulo, magkahalo-halo
ang pangamba,
ang takot,
ang panginginig,
Ang bunga ng walang katapusang pagsasalimbayan
ng kung anu-ano, ng kung sinu-sino
nakalilito
nakahihilo
nakaririmarim sa katotohanang
sumisigid sa kalamnan.
Paano ba ang mag-isa?
Paano ba ang mag-isip?
Simbilis ba ito ng pagsubok,
ng pagguho, ng pagpapagupo,
Simbilis ba ito nang paulit-ulit na paghihingalo?

Mali man o tama
Tama man o mali
Darating ang sandaling may liwanag na maglalagos sa bawat agwat
na umiiral.
May malamig na hiningang madarama sa pagod na nakaraan
May init na kakandili
May bulong na aalingawngaw
Bulong na unti-unting magiging tinig
Lumalakas, lumulubog,
Sumisisid kasabay ng pag-agos ng hingingang naghahabol
Sa matuling pagbalikwas ng noon at ngayon
Noong kinakalimutan, naisantabi
At ngayong hinahangad.

Matagpuan ang hiblang pupuno
Sa agwat ng bawat agwat
Sa takot ng bawat takot
Sa pangamba ng bawat pangamba
Sa tanong ng bawat tanong
Sa hakbang ng bawat hakbang.

Upang sa pagitan ng pag-aalingan at takot--katahimikan
Upang sa pagitan ng lungkot at lumbay--ligaya
Upang sa pagitan ng dilim at rimarim--pag-asa
Upang sa pagitan ng isipan at damdamin--pag-ibig

Mananatili ang agwat sa bawat nilikhang pagitan
Upang makahinga
Upang marmdamang kailangang punan
Ang pag-iisa
Ang pagsusumamong maging ganap
Maging maligaya.

---

Brings back memories, no?:D
Previous post
Up