Sa bandang minsan.

Jan 17, 2012 04:45


Kapag dumating ang panahon na wala na akong boses.


.. Di ako titigil sa pagkanta. Pipikit. Kakanta.

Umaasang maririnig ng mga anghel na pumapalupot sa bawat ulo ng sinuman. Ng bawat sinuman. Ninuman.

Ipaparating sa Maykapal. Ang bawat hiling. Ang bawat pasasalamat.

Sayo na lamang, O Diyos na mapagmahal. Sayo na lamang.

Gabi-gabi'y hinahagkan ang hangin. Tumatagos. Bumabalik sa sariling balat. Sa sariling katawan.

Walang hinihiling kundi ang ngumiti at maging masayang muli. Yung galing sa loob na hindi maipaliwanag. Yung hindi mabibigyang hustisya ng kahit na anong salita.

Araw-araw nakakahanap ng paraan upang makatawa ng pagkalakas... Panandalian. Panandalian.

May lungkot na kumukulit-kulit. Nangangalabit na para bang nakalimutan ko na siya. Hindi alam na kahit na anong liwanag pa ang dala ng aking mukha, tila may luhang kasambit ang nagtatagong maliit na ako.

Napakaraming tanong na ni minsa'y hindi hahayaang makapuslit sa aking bibig. Hindi na malaya. Hindi na malayang magtanong. Hindi na malayang maging malungkot.

Sugat sugat na sa pagpigil sa sariling gustong magpakalawa sa himpapawid. Gusto ko ulit maging ako. Gusto ko ulit maging makulay at maingay.

Napapagod ng magtago. Hindi na sanay. Ang napakalayang ako, unti unti ng tumitiklop, paliit ng paliit ng paliit.

Gusto kong magtanong. Gusto kong malaman. Pero nilulunok, nginunguya ng mabuti ng hindi mabilaukan at biglang maisuka ang di mapigilang pagtatanong.

Gusto kong lumuha. Humagulgol sa mga kaibigan, ngunit pati iyon ay hindi na rin libre. Bawat galaw, bawat kilos, kinakalkula.

Di ako ito. Hindi ako hindi malaya.

Nangako ako noon sa sarili. Na hindi na ulit magkakaganito. Pati pangako sa sarili, tinalikuran.

Gusto kong magtanong. Himagulgol. At magpahinga.

Hindi na makahinga, Hindi na.

Pipikit na lang muna. Tatapusin ang gabing madilim. Umaasang di na maalala ang lahat ng ito.

Posted via LiveJournal app for iPhone.

Posted via LiveJournal app for iPad.

via ljapp

Previous post Next post
Up