Title: Bubog
Chapters: 1/1
Author:
mxtrxofsomerGenre: general drama
Band(s): Alice Nine
Pairing: Tora x Shou
Rating: R
Warnings: not much
Synopsis: “Ang sakit mo talaga manapak”
Notes: before you click on the link, I want you to know that this fic is written in my native language. I have wanted to do this sort of stuff for a very long time and now is my chance. Before I posted this, I made sure that I've read all the rules of the community and they are allowing fics in every language. So! Sa mga nakakaintindi nito, inaanyayahan ko kayong basahin ang maikling akdang ito. Alam kong bihirang bihira ang mga ganitong pagkakataon at marahil halos lahat sa atin ay hindi sanay pero sana subukan ninyo~~~
-----
Iniisip ko, simula pa kanina, habang pinapanood ko siyang nakaupo sa sopang nakukulayan ng mapusyaw na rosas, at hawak nang mahigpit sa kanyang kanang kamay ang isang nilamukos na puting telang medyo nababahiran ilang patak ng kapansin-pansing kulay ng kalawang, kung dapat ko na nga bang basagin ang aming katahimikan na nagmistulan nang isang nakabibinging ingay na bumubulahaw sa aking tenga. Tutal naman, napadpad kami at narito sa kuwarto kong parang dinaanan ng ilang araw na unos, hindi para magtitigan lalo na at patuloy namang inuubos ng mga bituin sa kalangitan ang kanilang liwanag para lang mailawan ang gabi. Isa pa, hindi rin naman madaling magpanggap na manikang gawa sa plastik at walang imik, kung ang mga ugat sa aking braso at leeg ay namumuo na at nagbabadyang puputok sa mataimtim kong pagpigil sa aking mga kalamnan. Ang kakayahan upang maging mapagpasensya ay hindi napapabuti sa ilang ulit ng pagsasanay ng mahabaang paghihintay -ito’y sa halip, nakapagpapatuyo lamang ng iyong dugo.
Hindi ko sinasabing kasalanan niya ang lahat, mayroon din naman akong pagkakamali at marahil sapat na iyong dahilan upang magkulong siya sa sarili niyang mundo at iwan akong tangang nakatanghod na pinagmamasdan siya. Iniisip ko na nga rin na maging mas magiliw nang kaunti, kinikilabutan kasi ako kapag nakikita ko ang ang hitsura ng kanyang mukha tuwing marahan niyang idinarampi ang nilukot na puting tela sa gilid ng kanyang mga labi. Pero, kapag naaalala ko naman ang kirot sa ilalim ng aking mata at kung paanong ito’y magkukulay talong kinabukasan, gusto ko namang tumayo sa aking kinaluluklukan upang siya ay hatakin at bangasan. Nais ko tuloy itanong sa kanya, kung binalak ba niya talaga akong patayin ng mga oras na iyon.
Patayin, nagngangalit na gumasgas ang mga titik niyon sa mga hibla ng aking utak, at sabay bumaon ang aking mga kuko sa magkabilang palad na bahagyang napapdulasan ng malamig na pawis. Bakit nga ba? Sino bang taong nasa matinong pag-iisip ang papayag na mabawian ng sarili niyang buhay para sa isang nabapkababaw na dahilan? At sino namang may puso ang ikokompromiso ang buhay ng iba sa ngalan ng madaliang sumpong ng kanyang pagkamakasarili? Matagal ko nang napagtanto na isa lamang malaking kalokohan ang ganitong klase ng relasyon, kung saan wala ni isa sa aming dalawa ang may nais na matuto. Kalokohan, kagaguhan, kasiraan ng ulo, para lang kaming mga baliw na paikot-ikot na naghahabulan sa may batuhan. Kailan kaya kami, ako, mababagok nang matindihan at tunay na matatauhan?
Tsk, nakakatawa naman, matauhan pala ah. Ang galing ko rin namang maging isang dakilang reklamador. Minsan talaga, napapabilib ako sa sarili ko, higit sa husay ng aking lohika o sa matalas na pag-iisip sa pagresolba ng mga kumplikasyong dala ng sarili kong piniling mga desisyon. Higit doon, napakagaling kong magsalita, palaging sa sarili ko lang, palagi, habang ang lahat ng mga iyon ay nananatiling kabalintunaan. Parang ngayon, nakukuha ko pang humalakhak ng palihim sa kabila ng halos dinig nang pagngingitngit ng aking mga ngipin. Parang kanina lang din, kahapon, o nung isang araw, ang galing ko lang problemahin ang mga bagay-bagay pero…
“Ang sakit mo talaga manapak Shou.”
Hindi ko naiwasang mapatalon sa biglaang pag-alingawngaw ng kanyang tinig sa katahimikan ng buong silid, nalaglag yata lahat ng aking kinikimkim, pero sa wakas, nagsalita na rin ang bida ng drama. Tama ba kasing iwan ako sa ere matapos akong mabugbog? Binabalak ko na nga sanang kunin yung baso ng tubig na naiwan ko kaninang umaga sa lamesa para ibato sa kanya kung sakaling hindi pa rin niya ako papansinin. At ang walanghiya, may gana pang gawing biro ang lakas ng kamao ko sa mga ganitong pagkakataon.
“Tangnang to, ano namang palagay mo,” mariin kong sambit, sabay pulot sa unang hugis kuwadrado na nakakalat sa sahig. Pinagpag ko muna itong palapat sa aking kanlungan at saka ibinato nang buong lakas sa kanyang direksyon. “Huwag mong sabihing mas malaki ka sa ‘kin.”
“Ano ka ba, ang tangkad mo nga eh,” kalmado niyang sagot sabay salo lang sa unang pinaghirapan kong diskartehang ibato. “Siguro naospital si manong sa ginawa mo,” natatawa niyang dagdag.
Sinalo lang? Sinalo lang? Paano bang kahit kaunti ay hindi ko man siya masorpresa? Kahit ba ang talento ko ngayon ay hindi na rin tumatalab? At teka, pati ba naman ‘to, isa ko na rin ngayong problema? “Kasalanan mong lahat,” naiinis ko nalang na ismid.
“Oo na, ako na.” Maayos niyang inilapag ang unan sa kanyang tabi sa sopa saka tumayo at lumakad patungo sa aking inuupuan. Tahimik ko lamang siyang sinundan ng tingin hanggang sa siya ay huminto sa aking harapan at umupong paluhod sa sahig. “Sorry na. Kung gusto mo, sapakin mo na lang ulit ako, sa kabila naman,” ngiti niya at ibinaling ang kanyang leeg upang iharap sa akin ang kaliwa niyang pisngi.
“Gago,” natatawa ko nalang na bulong. “Ang kelangan mo, yelo, yung ipupukpok sa ulo. Dapat kasi hindi ka hinahayaang malasing.”
“Mahal mo kasi ako eh,”
Hindi ko alam kung paano, hindi ko alam kung saan, at hindi ko alam kung ano pero huminto ang buong mundo, sa isang mumunting na kirot na aking naramdaman kung saan sa aking dibdib. Saglit lamang ito, gasegundong pitik sa pagitan ng pintig ng aking pulso at wala na, subalit, tila nag-iwan naman ito isang turok ng pampamanhid na pumaparalisa pansamantala sa aking katawan. Hinigop yata nito ang aking kaluluwa, biglang parang hindi ko kasi maalala kung bakit ako, siya, kaming dalawa ay magkasamang naririto.
“Umuwi ka na lang sa inyo, hinahanap ka na niyan ni -” walang ianu-ano kong sinabi
“Ayoko, dito lang ako,” halos pasigaw na niyang tanggi na muntikan ko nang ikabingi. Dahan-dahan siyang umiiling sa akin at umaalab na kulay kahel ng kanyang mga mata. “Alam mo, ikaw ang may kailangan sa yelo,” nakakatakot at malamig niyang sabi. Bahagya siyang tumayo, lumapit, at buong ingat na idinampi ang kanyang hinlalaki sa ilalim ng aking mata. “Kasalanan ko, pasensya na...”
Huwag kang tatayo, huwag kang aalis, pakiusap, sa mga sandaling iyon, gustung gusto kong sabihin ang mga katagang iyon sa kanya, parang napakakomportable sa pakiramdam ang magaan niyang mga daliri sa ibabaw ng aking pisngi, kung mapapabagal ko lang ang bumibilis na takbo ng aking puso at kung mahahawakan ko lang ang kanyang braso bago siya makalayo. “Tora…”
Hindi ko maintindihan kung anong nangyari at kung ano ang aking ginawa, napuwing yata ako at natibo, na naman, sa batuhan dahil sa isang napakaikling saglit na ipinikit ko ang aking mga mata, pagdilat ko’y tuyo ang aking mga labi at hindi ko na maabot kahit dulo ng kanyang kuko.
“Hoy Shou.”
“Ha?” wala na naman ba ako sa aking sarili? nalilito kong tanong.
“Yelo, hindi naman na ko maliligaw sa bahay mo,” tonong painsultong pagpapaliwanag niya.
“Sa - ” tama, hindi nga naman “ -bi ko nga,” mahina ko nalang na pagsang-ayon, bakit, makatatanggi ba ko?
-----
Mga panghuling salita: Kung naiimagine natin ang mga karakter na nagsasalita sa wikang Ingles, siguro’y wala namang rason para hindi natin sila maisalarawan gamit ang sarili nating wika. Ang proyektong ito nga pala ay bunga ng isang pagsasanay sa klase kong Malikhaing Pagsulat, naexcite kasi ako eh. At may kaunti akong oras dahil may sakit ako. Bukod dito, matagal ko na talagang nais makapagsulat ng kahit isa man lang fic sa wikang Tagalog. Hindi ko alam kung ako ay naging matagumpay pero siguradong hindi pa ito ang huli dahil nasiyahan ako sa pagbuo nito kahit papaano. Hinihiling kong sana ay dumami ang mga manunulat sa wikang Tagalog. Di bali, next time english naman ulit, ang sakit pala sa ulo ng ganito. =p MARAMING SALAMAT SA MGA NAGBASA! *bows*
-----
Fanfic Archive