Karaoke
Rating: R
Language: Filipino
Summary: First date ni Claire at ang kaniyang kustomer na si Ken sa Tokyo. Kahit ano pang sabihin ni Robert, kahit ano pa ang tingin ng ibang kasama ni Claire sa trabaho, wala naman talagang halaga ang gabing ito.
“Sigurado ka bang gusto mong makipagkita sa kaniya, bru?”
“Bakit? Masama ba?”
“’Di naman,” sagot ni Roberto. Nakaupo siya sa sahig ng aking kuwarto habang nanonood ng mga maiingay na komersiyal sa telebisyon. Ako naman ay nakahilata nang patagilid sa sofa at pinipilit na intindihin ang mga nakasulat na kanji sa iskrin. “Delikado na kasi ngayon makipagdate sa Hapon.”
“Hindi siya date, gago. Alam mo naman hindi ako nandito sa Tokyo para magsaya, nandito ako para magtrabaho. Gusto lang niya ng kasama na marunong mag-Ingles para matuto siya. Babayaran niya ako.”
“Kahit na. Alam mo naman Claire, marami ng kaso ngayon ng mga pinapatay na poreyner; mga nadidiskubreng watak-watak ang katawan sa banyo, mga inililibing nang buhay…ang nakakatakot pa, normal naman ang hitsura noong mga suspek.” Paliwanag ni Robert.
“Bago ka lang dito kaya natatakot ka. Masasanay ka rin. Minsan-minsan lang naman ang mga ganoong kaso, pinapalala lang nila sa tv kasi wala na silang mabalita. Sa katunayan, mas malala nga ang krimen sa ‘Pinas eh.”
“Nasa loob ang kulo ng mga tao rito. Nakalimutan mo na ba iyong kinuwento ni Ining sa ‘tin? Akala mo normal lang iyong mga salaryman, okey lang ang buhay nila, tapos biglang tatalon sa riles habang papalapit na ang tren dahil pinatalsik sila sa trabaho. Grabe lang ang paraan at dahilan ng pagpapakamatay, te! Iyan ang hindi nila pinapakita sa tv. Iyan ang tunay na nakakatakot.”
Hindi ako umimik. Nakatitig pa rin ako sa iskrin, mga mata’y nakadikit sa mga nagsasayawan na sumo wrestler. Napansin yata ni Robert na nag-iba ang timpla ng hangin kaya humarap siya sa akin at nilagay ang kaniyang kamay sa aking balikat.
“Nagaalala lang naman ako para sa iyo. Madali lang para sa akin makipag-annechiwa-kahit na bakla ako, ang mga ka-mit ko pa rin mga ‘Kanong nakikilala ko sa gay bar,” batid ni Roberto. “E ikaw, kostomer mo iyan. Iisa lang ang nais niya at alam mo iyon.”
“Hindi ako pokpok, Robert.”
“Alam ba niya iyon?”
Tumawa ako nang malakas at binatukan siya sa ulo. “Huwag kang praning. Sasamahan ko lang siyang kumain, tatawa kapag magbibiro siya kahit hindi ko maintindihan, at magkukunwari na interesante ang kaniyang buhay.”
“Gaga ka talaga. Text mo ako kapag nakauwi ka na, ha.” Tahimik pa rin ang boses ni Robert; pati buhok niyang madalas naka-style ng patusok-tusok ay parang nalalanta sa pag-aalala. “Saan ka ba niya ililibre?”
***
Nandito na ako sa harap ng istasyon.
Para lang may boyfriend ako, pero hindi ko siya kilala. Tinanggal ko ang aking mga itim na guwantes para makapagtext ako ng maayos. Papunta na ako riyan. Maghintay ka lang ng limang minuto. Pinindot ko ang okuru at isinuksok ang aking cellphone sa aking maliit na handbag. Ganoon lang. Pormal na pormal ang dating, para lang makikipagkita sa kliyente. Pero ganoon naman talaga ang sitwasyon. Kahit ano pang sabihin ni Robert, kahit ano pa ang tingin ng iba kong kasama sa trabaho, wala naman talagang halaga ang gabing ito.
Pero hindi ko sila masisisi kung nagtataka sila. Maski ako’y nagulat noong nakita ko siyang naghihintay sa labas ng bar pagkatapos ng aking shift. Pinaguusapan na pala siya ng aking mga katrabaho habang nagbibihis ako sa aking dressing room; paglabas ko e lahat sila biglang tumahimik at kitang-kita sa kanilang mga mukha na ako ang pinagchi-chismisan nila. Nasulyap ko sa may pintuan ang isang lalaking kostomer na kumakausap kay Ogihara, ang may-ari ng bar. Napansin ni Ogihara na nakalabas na ako sa kuwarto at dahan-dahang naglakad papunta sa akin.
“Claire, gusto ka niyang makausap.” bulong ni Ogihara gamit ang ating wika. Hapon siya pero asawa niya ay Pilipina, kaya nakakaintindi at nakasasalita siya ng kaunting tagalog. Kaya siguro tumahimik na rin ang mga tao sa paligid at bumalik sa pagpupunas ng mga mesa, kahit na alam kong nakikinig pa rin ang mga usisera.
“Sino ba iyan?”
“Si Masanobu Ken. Pinanood niya ang performans mo kanina; siya yung walang kasama sa audience.” Tumingin ulit ako sa may pintuan; nagsindi ng yosi ang kostomer, pero nakaharap siya sa tindahan ng yakitori sa kabilang kalye. Hindi ko makita nang maayos ang kaniyang mukha, pero alam na alam ko na ang kaniyang trabaho at status sa buhay dahil sa kaniyang buhok at pananamit. Malinis, nakaitim na business suit. Kamukha niya ang daan-daang mga kalalakihan sa Tokyo na iisa lang ang propesyon: ang maging alipin ng kanilang kumpanya. Ayos, bulong ng aking isip. Mahina ito.
“First timer?”
“Hindi, mga ilang linggo na rin siyang dumadalo rito. ‘Di mo lang napapansin.”
Lumapit ako sa kaniya. Tila madilim na linya at maliit na tuldok lang ang kaniyang mga mata. Matangos pero maliit ang ilong, at manipis ang labi. Hapon na Hapon ang hitsura, alam mo na siguro kung ano ang ibig sabihin ko. Mahina ang boses at hindi ganoon kalalim. Mahiyain, mukhang boring, parang laging paulit-ulit ang takbo ng kaniyang buhay. Sinabi ni Masanobu na magaling ako kumanta; kuhang-kuha ko raw ang boses ni Diana Ross at ang bawat salita ng Baby Love ay malinaw na malinaw. Halos puri lamang ang lumabas sa kaniyang bibig, at kinailangan kong pigilan ang aking sarili upang hindi siya mahampas sa irita. Tinago ko ang aking inis nang tinanong niya kung paano ako natutong mag-Ingles. Sa eskuwelahan, sabi ko. Di ba doon naman natututo ang lahat? Kanino naman daw akong natutong mag-hapon? Sa mga taong katulad mo, sagot ko sa kanya.
Tinanong niya kung puwede ko siyang turuan ng Ingles. Pumayag ako agad; siyempre, pandagdag na kita. Hindi ko na rin tinanong kung bakit ako pa at hindi isang propesyonal na guro dahil alam ko na rin naman ang dahilan. Binigay ko ang araw at oras kung kailan ako libre pati ang aking cellphone number, at sinulat niya ito sa isang maliit na planner. Mukhang puno ang kaniyang iskedyul, halos hindi na makita ang mga araw at buwan. Nagpaalam siya at nagpanggap ako na hindi ko naramdaman ang titig ng mga tao na tumutusok sa aking likuran.
Papalubog na ang araw nang naglakad ako patungo sa pa-kanlurang exit ng Ikebukuro station. Nanginginig ako dahil malapit na ang taglamig, at kahit nasa loob pa ako ay nararamdaman ko ang lamig ng hangin mula sa labas. Malaki ang istasyon sa loob-halos sampung exit ang maaaring puntahan-kaya sa labas kami ni Masanobu-san nagplanong magkita para hindi kami masyadong malito. Dumaan muna ako sa may Metropolitan plaza para makaiwas sa mga pasaherong nagmamadaling umuwi. Sarado na ang mga bilihan at mukhang mga sosyal na kainan na lang ang bukas. Makikita mong puro mga magsyota ang kumakain sa loob; nakasimangot ang mga lalaki habang binabasa ang resibo, habang ang mga babae naman ay pinalilibutan ng mga bilihin na nakapatong sa bawat gilid ng kanilang upuan. Tipikal na eksena sa siyudad ng Tokyo.
Biyernes noong araw na iyon kaya hindi ako nagtaka kung bakit marami pa ring tao sa labas para magrelaks at maginuman. Mahilig din sa alak ang mga tao rito; pakiramdam ko nga ay mas malala pa sila dahil gabi-gabi ay punong-puno ang tren ng mga amoy alak na empleyado at taga-kolehiyo. Kahit na huli ako, mas mahigpit kong inakap ang aking dyaket at dahan-dahan pa rin akong naglakad patungo sa napagkasundong kitaan-sa ilalim ng arkong nakasulat na ‘Sunshine city’. Habang naglalakad ay unti-unti kong napagtanto na hindi ko pala maalala ang mukha aking kostomer.
Pinigilan ko ang aking pagtawa sa aking kabobohan at nagtext sa kaniya na nandoon na ako sa ilalim ng arko. Maya’t-maya biglang may lumapit na lalaki at tumayo sa aking harapan. Muntik na akong magbuntong-hininga sa harapan niya ngunit linagay ko ang aking kanang kamay sa aking beywang at pinilit ang sarili na ngumiti. “Masanobu-san?”
“De Mesa-san.” Mukhang kakagaling lang niya sa trabaho; naka-pormal na pananamit pa rin siya. Pagod na pagod ang mukha, pero may panahon pa siya para mag-aral ng Ingles, kung ano man ang ibig sabihin noon. Nagsimula kaming maglakad tungo sa kalsada. Walang umiimik; nakayuko siya at nakatitig sa konkreto habang nakatingala ako sa mga gusali, pinapanood ang mga malalaking iskrin na nagpapalabas ng mga music video at komersiyal. Sari-saring kulay at ingay ang sumalakay sa aking isip, pero damang-dama ko pa rin ang presensya ni Masanobu-san. Tahimik ngunit maraming sinasabi ang tindig ng kaniyang katawan. Hindi ko maintindihan, pero dahil dito lalo lang ako nainis sa kaniya.
“Bakit mo pinili ang lugar na ito?” Bigla niyang tinanong. Bumagal ang aming lakad dahil dumagsa na ang maraming grupo ng tao; mga magkaibigan at magka-opisina na handang ipagdiwang ang pagtatapos ng linggo.
Binalot ko ang aking mga kamay sa aking sarili upang maibsan ang lamig. “Ayaw kong may makakita sa atin. Kung nasa Shinjuku tayo, e di kakalat na may kasama akong Hapon.” Sa Shinjuku ang aking trabaho, sa sikat na red light district ng Tokyo. Alam na alam ko na ang bawat sulok, bawat dumi ng Shinjuku. Walang taon na rin ang nakalipas simula noong wala pa akong alam sa bansang ito; pero ngayon, kailangan ko na rin umiwas sa iskandalo at gulo.
Mahinahon ang galaw ni Masanobu-san na parang walang epekto ang malakas na hangin. “Kilalang-kilala ka ba sa Shinjuku?”
“Narinig mo na ba akong kumanta?”
Huminto si Masanobu-san at humarap sa akin na parang litong-lito ang kaniyang mukha. “Oo. Hindi ba sinabi ko na magaling ka?”
“Ayun.”
Na-tameme yata siya sa aking prangkang sagot. Diretsahan ako kung magsalita, walang pakiyeme-kiyeme, hindi tulad sa karamihan ng mga babae sa Tokyo na pagpapakyut lang ang alam gawin sa buhay. Sa totoo lang hindi naman ako madalas magyabang tungkol sa aking sarili, pero gusto kong ipakita sa kaniya na hindi ako basta-basta. Alam ko ang gusto niyang gawin ngayong gabi. Alam kong may binabalak siya; iyon lang naman ang tingin nila sa Pilipina. Hindi ako puta. Iba ako sa mga dancer sa mga bar sa Shinjuku, na may bandila pa ng Pilipinas na lantarang nakapiskil sa pintuan. Nakapag-aral ako, alam ko ang ginagawa ko at pinili ko ito. Maaari niya akong hawakan, pero hinding-hindi niya ako magagamit.
Ngumiti si Masanobu-san at muling naglakad. Sinundan ko siya pero sinigurado ko na medyo malayo ako sa kaniya para hindi halatang magkasama kami. Mahirap na.
***
Kumain kami sa isang klas na Italian restaurant. Agad kong sinamantala ang pagkakataon at inorder ang pinakamahal na pasta sa menu kahit na wala naman akong ganang kumain. Noong una inisip ko kung tatanungin ko siya tungkol sa kaniyang trabaho, kung may asawa’t anak siya, kung saan siya nag-aral. Noong nagsimula kaming kumain naisip ko na matatapos rin ang gabing ito, at wala naman talaga akong pakialam. Anonimo ang aming pagkikita, dapat lang na anonimo rin ang aming pagkatao.
Sinubukan kong turuan siya ng Ingles para lang may gawin at matapos na ang di kumportableng katahimikan sa aming mesa. Wala lang naman, mga simpleng ‘good morning’ at ‘thank you’. Tinuruan ko siya ng tamang pagbigkas ng mga salita, kung paano maglagay ng American twang, at sa loob-loob ko ay nilait ko ang kaniyang mga kamalian. Hindi kasing galing ng Pilipino ang mga Hapon pagdating sa Ingles, subalit mayroon din naming mga marunong ng kahit kaunti. Iba si Masanobu-san. Hindi talaga niya ako maintindihan.
“Akala ko ba marunong ka kahit kaunti? Sabi mo magaling ang pagawit ko kay Diana Ross gamit ang Ingles, kaya akala ko naunawaan mo.”
Umiling si Masanobu-san at pinaglaruan ang stirrer ng kaniyang kape. “Pasensiya na. Hindi naman talaga ako magaling.”
“Ang hirap naman kung tuturuan pa kita ng basics. Baka magsimula pa tayo sa alpabeto, nakakatamad pa iyon.”
“Wala akong interes sa Ingles.”
“Aha!” sigaw ko. “Lumabas din ang tunay na pakay ng gabing ito. Sabihin mo, talaga bang nagalingan ka sa aking pagawit?”
Tumingala si Masanobu-san mula sa kaniyang kinakain na pasta; mapungay ang kaniyang mga mata, ngunit parang yelo na hindi natitinag. Hindi ako nag-alala. Tinignan ko siya ng masama at hindi ko inalis ang aking mga mata sa kaniyang mukha na tila nananakot. “Kaya kita gusto makasama ngayon ay para pakinggan ka.” sabi niya.
Wala akong masabi roon. Tinaas ko ang isang kilay, ngunit seryoso pa rin ang ekspresyon ng kaniyang mukha. “Halika na nga. Bilis-bilisan mong kumain at gusto ko nang umalis. Alam ko na kung saan tayo pupunta.”
Binayaran niya ang bill nang hindi tinitignan ang resibo; aaminin ko, humanga ako sa kaniya roon. Bago pa niya hablutin ang kaniyang dyaket ay lumabas na ako sa restaurant at nagsindi ng yosi. Kumalat ang usok sa malamig na hangin na parang sinulid hanggang sa ito’y lumaho. Huminga ako ng malalim nang siya’y lumabas, at nagsimulang maglakad sa direksyon ng mga artipisyal na ilaw.
***
Isa siguro sa pinaka-paborito kong gawin sa Tokyo ay pumunta sa karaoke. Nakakamiss din ang karaoke sa Pilipinas; masarap kumanta ng Bon Jovi kasama ang iyong mga kabarkada habang nag-iinuman. Walang pakialam ang mga kapitbahay dahil madalas din silang magvideoke tuwing may okasyon sa gabi. Dinig sa buong barangay ang mga nagtitilian at naghihiyawan na lasinggero. Alam na alam kung saang parte bibirit, kung saan dapat mag-blending. Walang nahihiya. Lahat game na game kahit walang tono at kahit hindi alam ang lyrics ng kanta.
Patago ang pagkanta ng karaoke sa Hapon. Madalas mga matataas na gusali ang karaokekan, puno ng mga pribadong kuwarto na iba-iba ang laki at bilang ng tao na maaaring magkasya sa loob. Okey naman ang ganitong sistema, dahil kapag nasa kuwarto ka ay puwedeng-puwede ka na magwala sa loob dahil walang makakakita at makakarinig sa iyo. Pumasok kaming dalawa sa isang maliit at madilim na silid; ang nilalaman lang ay isang flatscreen tv, dalawang mikropono, at isang mesa na puno ng menu. Binunot ni Masanobu-san ang cordless na telepono sa pader at nagorder ng alak at pulutan habang ako naman ay pumili ng mga kanta ni Celine Dion gamit ang wireless na touchscreen sa lamesa. Mabilis kong pinindot ang mga karakter ng kanji sa iskrin, at tumabi sa akin si Masanobu-san, nakangiti na parang humahanga.
Pumili ako ng sampung kanta at sunod-sunod ko silang inawit nang walang pahinga. Nagsindi ng yosi si Masanobu-san at-sa aking laging gulat-sumama sa pagkanta ng “Because You Loved Me”. Hindi guwapo ang boses niya, pero puwede na. “Akala ko pa naman mahiyain ka. Alam mo pala kung paano kantahin ito!”
“Ginagaya ko lang kung paano nila sinasabi sa kanta. Mas madaling maintindihan kapag may musika.” Paliwanag niya.
Unang beses akong napangiti nang tunay noong sandaling iyon. Sinikipan ko ang paghawak ko sa mikropono at humarap sa telebisyon. “Sige, makinig ka at matuto.”
Umawit ako ng lima pang kanta hanggang sa ako ay napagod at namaos. Dumating na pala ang pagkain nang hindi ko napapansin; pinaglalaruan ni Masanobu-san ang sashimi gamit ang kaniyang chopsticks at nakatingin sa akin na parang inoobserbahan ang isang eksperimento.
Malapit na ang birit sa kanta at hinanda ko ang aking sarili-nabuo ko siya ng walang piyok, at pumalakpak nang maikling sandali si Masanobu-san. Mukha namang natuwa talaga siya. Umupo ako at kumuha ng isang piraso ng sashimi nang muli niya akong kinausap. “Sa totoo lang nagulat ako noong pumayag ka na makipagkita sa akin, De Mesa-san. Nasaan ang boyfriend mo?”
“Puwede ba, ayaw ko sa mga nagtatanong na alam naman ang sagot.”
“Bakit, wala bang nanliligaw na lalaking Hapon sa iyo?”
“Hindi ko type ang mga Hapon. Gusto ko sa lalaki, iyong puti. Mas aalagaan ako nun. Bibigyan ng kalayaan. Hindi iyong nasa bahay lang ako, naglilinis ng banyo.”
“Iba na ang buhay ng mag-asawa sa Hapon ngayon.”
“Kayong mga Hapon siguro, oo. Iba ang usapan kapag Pilipina ang asawa mo.”
“Kung sa bagay, maaaring tama ka. Sabi nga nila, mas nakikita ng dayuhan ang kamalian ng isang bansa dahil hindi sila sanay dito.”
Sumagi sa aking isipan na ngayon lang kami nagkaroon ng bahagyang mahaba at seryosong usapan. Nagsimulang tumugtog ang susunod na awit ngunit hindi kami gumalaw sa aming kinauupuan. “Alam mo, hanga na ako sa iyo. Ilang beses na yata kitang nilait pero nandito ka pa rin. ” Inamin ko sa kaniya.
“Iijyan. Wala naman akong magawa e.” Parang malungkot ang tunog ng kaniyang boses. Sumama ang pakiramdam ko; baka bigla siyang umiyak at masira ang gabi ko. Ipinanganak akong likas na walang pasensiya, kaya hindi ako marunong kung papaano makiramay sa mga tao. Baka masapak ko lang siya. Sinubukan kong baguhin ang mood ng usapan.
“Ikaw kasi e, mukha mo pa lang para kang nanakawan.”
Imbis na tumawa o sumagot agad si Masanobu-san ay kumunot ang kaniyang noo at bigla niyang kinapa ang kaniyang bulsa. Nilabas niya ang kaniyang pitaka at patanong ang kaniyang tingin sa akin. “Anong ibig mong sabihin?”
Nakalimutan ko bigla na magkaiba nga pala ang aming pinanggalingan. Magkaiba ang karanasan, magkaiba ang paraan ng pagresolba ng problema. Hindi ko alam kung paano ko ipapaliwanag ang aking sarili kaya sinalin ko ang mainit na sake sa aking tasa at uminom ng hindi umiimik.
***
Alas-tres na ng umaga. Pang-limang beses na tumutugtog ang album ni Regine Velasquez-oo, ang mga karaoke dito ay may mga kantang Pinoy, sikat talaga tayo bilang mangaawit dito. Nakasandal si Masanobu-san sa upuan habang ako naman ay nakahiga. Nakatapat ang aking mga paa sa kaniyang hita. Malakas pa rin ang puwersa ng heater kaya malagkit ang pader at ang sahig dahil sa pinagsamang pawis at natapon na sake. Okey naman ang pakiramdam ko; si Masanobu-san, mukhang may tama na. Nagsimula siyang magdaldal nang magdaldal. Kung anu-ano ang tinatanong niya tungkol sa akin, tungkol sa buhay ko sa Pilipinas. Akala niya puro puno ng saging lang ang tinatanim natin, at puro magsasaka ang trabaho ng mga kalalakihan. Kung hindi lang siya lasing at kung hindi lang niya ako babayaran baka binuhos ko na ang bote ng umeshu sa kaniyang mukha.
“Bakit ka nandito sa Hapon? Ayaw mo bang bumalik sa Pilipinas?”
“Walang trabaho doon.”
“Hindi ka ba nalulungkot?”
“Mas malungkot kung wala kang pera.”
“Diyan ka nagkakamali.”
“Sinasabi mo lang iyan dahil may trabaho ka. Subukan mong mawalan ng pera minsan, tignan natin kung hindi ka pa rin papayag sa sinasabi ko.”
“May trabaho ako, pero nakakabwiset pa rin ang buhay.”
“Kitang-kita naman e. Hindi ka naman makikipagusap sa akin kung masaya ka sa trabaho mo. Maghanap ka nga ng Haponesa. Baka umayos pa ang kalagayan mo.”
“Anong masama sa Pilipina?”
“Hindi niyo kami kayang pasayahin. Tandaan mo iyan.”
Gumalaw si Masanobu-san na parang gustong umangal, pero binunot ko ang aking tinidor at tinapat sa kaniyang mukha. “Huwag ka nang magsalita, hindi mo ako kaya.”
Humalakhak si Masanobu-san at nawala ang mabigat na pakiramdam na umaligid sa silid. Pinindot niya ang volume sa maliit na touchscreen hanggang sa unti-unting naglaho ang matinis na boses ni Regine Velasquez.
“Tingin mo, dapat na ba akong umalis sa aking kumpanya?”
“Wala na akong kinalaman diyan. Gawin mo kung ano ang gusto mo.”
“Hindi ko na kasi nakikita ang sarili ko doon.” Isang tibok. “Hindi na ako masaya sa ginagawa ko.”
“Basta’t huwag kang tatalon sa harap ng tren.” Tinakpan ko ang bibig nang ako’y humikab sa antok. “Baka malaman nila magkasama tayo ngayong gabi, ako pa ang pagkamalang dahilan ng pagkamatay mo.”
“Huwag kang mag-alala, kung gusto kong magpakamatay ikaw ang una kong pagsasabihan.”
“Sinong nagsabing nag-aalala ako?”
Sa wakas natapos na rin ang aming oras sa karaoke. Alas-sais na ng umaga nang umalis kami sa gusali; matindi pa rin ang lamig sapagkat hindi pa rin sumisikat ang araw. Iba ang hitsura ng Ikebukuro tuwing madaling araw: iilan lang ang mga tao, halos lahat mga taong pagewang-gewang sa kalsada, pagod na sa kakainom at wala nang ibang hangad kundi ang kanilang mga kama.
Inip na inip akong naghintay habang nagwi-withdraw ng pera si Masanobu-san sa isang kombini. Binigay niya sa akin ang pera sa isang sulok, at agad ko naman itong linagay sa aking pitaka. Kinuskos ko ang aking mga kamay sa isa’t-isa at tinapat ang mga ito sa aking labi. “Salamat, Masanobu-san. Pero, ano, nilalamig na kasi ako. Kailangan ko nang umuwi.” sabi ko habang maingay na nangangatog ang aking mga ngipin.
“Maraming salamat sa karaoke.” Kumaway siya sa kabilang direksiyon. “Dito ako sa linyang Yurakucho dadaan. May gagawin pa ako mamaya, kaya mauuna na ako. Saang linya ka pauwi?”
“Sa Yamanote lang ako.”
“Babalik ka sa Shinjuku?”
Pinigilan ko ang isa pang hikab. “Wala naman akong ibang puwedeng puntahan, hindi ba?”
Hindi ko na hinintay ang kaniyang sagot. Mabilis akong nagpaalam at tumakbo para habulin ang unang tren sa umagang iyon. Malapit na ako sa Shinjuku nang napagtanto ko na wala kaming ginawa. Ni hindi niya ako nahawakan sa kamay kahit na dalawa lang kami sa loob ng madilim at mainit na silid ng karaoke.
Mahina pala talaga.
***
Lumipas ang mga buwan nang hindi ko nakikita si Masanobu-san. Kinuwento ko agad kay Robert ang mga naganap sa aming ‘date’ at pinagtawanan lang namin siya; pagkatapos ng isang linggo ay nakalimutan na rin namin ang nangyari. Kahit si Ogihara at ang mga usisera, na sa simula ay tanong ng tanong tungkol sa kaniya, ay hindi na muling nangulit nang hindi na bumalik si Masanobu-san sa bar at nakita nila na wala naman akong pakialam. Para lang siyang kakaibang istorya, pahapyaw na karanasan na walang kakuwenta-kuwenta. Tuloy pa rin ang pag-awit ko sa bar, tuloy pa rin ang paligoy-ligoy sa mga maingay at marumi na eskinita na daanan ng mga hostess patungo sa kanilang mga apartment. Dito sa Tokyo mabilis lang ang oras; madali lang makalimot.
Noong isang araw lang ay nakasakay kami ni Robert sa linyang Yamanote nang biglang tumigil ang tren sa gitna ng riles. Isang istasyon na lang, makakarating na kami sa Shinjuku station. Ayon sa mga iskrin sa itaas ng pintuan ay nagkaroon lamang ng isang maliit na aksidente at inaayos na ng mga empleyado ang problema. Sanay na ang mga tao kaya bumalik sa dati ang sitwasyon sa tren. Mabilis na nagtext ang mga taga-opisina sa kanilang mga katrabaho; marahil para sabihin na mahuhuli sila, at ang mga bata naman ay nagsimulang magingay.
“Naku, may tumalon na naman.” Batid ni Robert sa tagalog.
Sasabihan kaya niya ako bago mahuli ang lahat? tinanong ko sa aking sarili. Lumapit ako sa bintana para malaman ko kung anong nangyayari sa labas, ngunit wala akong makita dahil kami ay nasa bandang likuran ng tren.
Dalawampung minuto ang lumipas bago kami muling umusad. Bughaw na bughaw ang langit sa labas at walang bahid ng ulap. Isang magandang araw.