Essay: Filipino

Feb 11, 2011 02:27

Filipino: Wika Para sa Atin, o Wika Para sa Iilan Lamang?
Language: Filipino



Isang popular na kaalaman na ang Pilipinas ay mayaman sa iba’t ibang wika, at ang bilang ng mga ito ay higit pa sa isang daan. Ang ibang rehiyon o katutubong grupo ay madalas pa rin gamitin ang sarili nilang wika, ngunit dahil sa batas mula sa Konstitusyon mula 1936 ay Filipino na nagmumula sa Tagalog ang naging pangunahin o lingua franca ng Pilipinas. Gayundin, dahil sa impluwensiyang political, kultural at ideolohikal ng Estados Unidos ay kasama ang Ingles bilang opisyal na wika. Kung ating iisipin ay wala namang masama kung mayroon tayong iisang wika kung saan maaari tayong makipagugnayan sa isa’t isa kahit na magkakalayo ang ating mga pinanggalingan. Sa kabilang banda naman, napakawalang hustisya na ang Filipino mula sa Tagalog ay ang ginawang prioritidad ng gobiyerno, na malamang ay may kinikilingan sa Tagalog sapagkat ito ang wika ng kabisera. Ngayon, inihain sa ating harapan ang problema nang pagpili ng wikang pambansa. Nararapat ba na Filipino ang ating opisyal na lengguahe? Kapag ito ang ating pinili, ibig sabihin ba nito na binabalewala natin ang napakarami pang wika sa bansa?

Ayon sa pananaliksik ni Monico Atienza, maraming mga inilantad na usapin at persepsiyon ukol sa isyu na ito, pero marahil ay makagagawa tayo nang sapat na sagot. Sinimulan niya ang usapin sa pagbabalik sa kolonyal na kasaysayan ng Pilipinas; na ang pagsakop sa atin ng Kastila at Amerikano ay napadali dahil sadyang magkakahiwalay ang iba’t ibang pulo at tribo sa Pilipinas. Divide and Conquer, ika nga, ang kanilang naging stratehiya. Subalit ayon sa mga pagsusuri ay tuloy-tuloy na umunlad pa rin ang Tagalog sa kabila ng pagiging mas nakatataas na wika ng Espanyol at Ingles. Ito na nga ba ang wika para magkaisa ang Pilipinas? Mahirap ito sagutin, pero sa aking palagay ay hindi lamang wika ang dahilan kung bakit tayo ay madaling nasakop. Kasama na rin dito ang pagdiin sa ideolohikal at kultural na dominance ng isang bansa. Tulad na lamang ng Amerika: oo, tinuruan nila tayo ng Ingles at ginawa itong opisyal na wika sa ating bansa, pero ipinilit din nila sa atin ang konsepto ng American Dream; at dahil sa nais ng Pilipino na makamit ang ipinapakitang yaman at kalayaan ng isang indibidwal sa Estados Unidos, tayo na rin ay naging alipin sa pangarap na ito na hindi naman natin makamit dahil hindi tayo “tunay” na Amerikano. Tulad nga ng ating mga napagusapan at pinag-debatihan sa klase, nakatulong ng malaki ang pagtuto natin ng Ingles, pero hindi lamang wika ang kadahilanan ng ating pagtingala sa dayuhang nanakop. Ito ay ang kung paano natin ito gamitin, at kung paano natin ito inilalagay sa tuktok ng hierarchy ng mga lengguahe dito sa bansa kaya nagiging makapangyarihan ang Ingles bilang wika.

Ayon naman sa isang naging estudyante ni Atienza, hindi maikakaila ang pangangailangan ng mga mamamayang Pilipino ng isang wikang komon na magagamit para sa komunikasyon. Mahirap itong ibalewala na opinyon at ako man ay sumasang-ayon dito. Siguro dahil ito na rin ang nakasanayan ko; kahit na Bisaya ang aking ama, hindi ako natutong magsalita nito at Filipino mula Tagalog ang aking nakagisnan simula hay-iskul. Filipino na ang tinuturo sa paaralan simula Grade 1 hanggang kolehiyo sa loob ng maraming taon sa lahat ng parte ng Pilipinas. Kahit na mayroon ding mga katutubong wika na ginagamit sa mga rehiyon o lalawigan ay malaking porsiyento sa mga mamamayan ay marunong magsalita o makaintindi ng Filipino kahit papaano. Wala namang masama sa pagtanggap nang Filipino bilang wikang pambansa. Kung sa simula ay ito ay purong Tagalog lamang ay sa tingin ko naman ay hindi na ito ganoon kasimple sa kasalukuyan. Sa katunayan, tuwing ako ay nagbabasa ng mga lumang panitikan sa Tagalog (tulad ng mga akda ni Francisco Balagtas) ay hindi ko na maintindihan ang mga terminong ginamit noong unang panahon. Dahil na rin sa paglipas ng panahon at impluwensiya ng iba pang katutubong wika, nagiiba na rin ang Filipino. Lumalawak ang bokabularyo nito, at kumukuha na rin ng mga salita galing sa ibang bahagi ng Pilipinas. Naintindihan ko rin naman ang hinanakit ng mga Cebuano dahil mas marami nga naman ang nagsasalita nito; ngunit ayon nga sa mga pananaliksik ni Sir Atienza at ang iba pang mga researcher ay hindi maikakaila na marami na rin ang nakaiintindi ng Filipino. Kung ako ay tatanungin, huwag natin sayangin ang ilang taon ng pagtuturo ng Filipino-imbis na ito ay kalabanin nang walang kadahilanan ay ito ay dapat suriin ng maiigi at lalong pagyamanin. Kung muli natin titignan ang isinulat ni Prof. Atienza, batay sa konstitusyon ay dapat paunlarin at palaganapin ang Filipino batay sa mga wika at wikain ng Pilipinas. Totoo nga naman; hindi lang Filipino mula sa Tagalog ang ginagamit-mukha lang dahil tayo ay taga-Maynila-pero mayroon na ring ibang baryasyon ng Filipino kapag ito ay ginagamit ng mga tao mula sa ibang rehiyon.

Naalala ko tuloy ang stratehiyang ginamit ng gobiyerno ng Indonesia: tinanggal nila ang ibang mga wika tulad ng Javanese para magkaroon ng isang lengguahe, ang Bahasa, na gagamitin ng lahat ng taga-Indonesia. Nangyari na rin ito sa Tsina (ang paggamit ng Mandarin, pero marami pa rin ang mga katutubong wika). Hindi naman kinakailangan humantong sa ganoong agresibong sistema at tuluyang patayin ang ibang wika, pero puwede silang pagsama-samahin at i-integrate upang makagawa ng makabago at mayaman na wikang pambansa.

Maaaring Filipino ang ating Wikang Pambansa, pero hindi ibig sabihin nito na hindi na bibigyan ng halaga ang iba pang mga wika. Tulad nang pinagusapan sa ating klase, nararapat lang din na himukin ang mga kabataan na matutunan at magpakadalubhasa sa lengguahe na ginagamit sa bahay o ang ginagamit ng mga magulang. Mas mainam nga kung dalubhasa sa iba’t ibang wika ang isang bata sapagkat ayon sa mga research ay lalong nahahasa ang kaniyang utak at kritikal na pagtingin sa sarisaring kultura. Sang-ayon ako sa mungkahi na gamitin ang native tongue o pangunahing wika ng isang lugar hanggang grade 3, at pagkatapos nito ay sisimulan ang pagturo ng Filipino at Ingles. Ito ay upang lalo nilang maintindihan ang ilan sa mga basic na konsepto ng mga importanteng subject tulad ng Math, agham at iba pa. Mahirap nga naman kung isasalin pa natin ang mga dayuhang konsepto na ito sa ating utak ng ilang beses kapag ito ay tinuro sa Ingles bago maintindihan ito ng tunay. Humahaba ang proseso ng pagaaral sa mga simpleng bagay. Ito ay siguradong gagana sa mga probinsiya ng Pilipinas, pero dito sa Maynila ay hindi ko maisip kung papaano siya maisasakatuparan. Marahil dahil ako ay nasanay sa Ingles-maituturi ba itong pangunahing wika ko, at dapat ba ito ang aking gamitin simula grade one para sa lahat ng subject? Paano ang kaso ng mga taong katulad ko? Tuwing ganito ang aking iniisip, pinapaalala ko na lang sa aking sarili na bihira ang taong katulad ko at malaki pa rin ng porsiyento ng Pilipino ay gumagamit ng wikang galing sa Pilipinas sa loob ng bahay.

Importante ang pagkakaroon ng wikang pambansa hindi lamang para sa komunikasyon, pero para na rin sa pagunlad ng ating ekonomiya at kaalaman. Kailangan ng isang bansa ng isang wika upang maisulat at maibahagi ang mahahalagang mga dokumento. Kailangan ito upang magpahayag ng mga ulat sa telebisyon na tunay na maiintindihan ng lahat (dahil may mga kultural na nuances, ika nga, na hindi maipapaliwanag ng dayuhang wika). Kailangan ito para sa araw-araw ay nagkakaintindihan tayo na hindi mababa ang tingin sa sariling wika dahil sa paggamit nito ay doon lamang nagkauunawaan ang lahat at nagkakaroon ng kahulugan ang bawat salita at gawa.
Isyu rin ito ng nasyonal na identidad na palagi nating problema simula sa pananakop ng mga Kastila. Sino nga ba tayo? Tayo ba ay isang grupo ng mga isla na hindi na magkaiintindihan? Tayo ba ay iba’t ibang rehiyon na may iba’t ibang prinsipyo at pangangailangan sa buhay? Bakit kailangan natin sila maintindihan, mayroon naman tayong sariling wika! Hindi natin sila kailangan!

Ito ay iilan lamang sa mga dahilan na maririnig mo sa ibang tao kapag napaguusapan ang isyu ng wikang pambansa. Ang nakakalungkot dito ay laging pinagdedebatihan ang Filipino, pero halos lahat ay agad na tinatanggap ang Ingles bilang opisyal na wika. Siguro para akong ipokrito kung sasabihin ko ito, pero dahil sa ilang mga nakuha kong subject sa UP ay napagisipin ko rin na hindi tayo magkakaroon ng tunay na wikang pambansa kung patuloy pa ring kinikilingan ng mga pribado at mayamang sektor ang Ingles. Sa totoo lang, malaki ang pasasalamat ko sa aking pagkatuto ng Ingles sapagkat nababasa ko ang kanilang mga panitikan, napapanood ang kanilang mga pelikula, at nauunawaan ang bawat cultural nuances nito ng walang subtitles. Maganda kung mahusay sa Ingles ang mga Pilipino, pero dapat higit na mahusay tayo sa Filipino. Ang nangyayari kasi ngayon, ayon sa ulat ng nahuling reporter sa klase, ay ang Pilipinong mag-aaral ay HINDI magaling sa Filipino, pero hindi rin siya magaling sa Ingles. Mali-mali na ang paggamit at gramatika ng ordinaryong estudiyante sa parehong wika, at nakakalungkot na realidad ito ngayon.

Kung mataas ang turing natin sa Filipino at pinapahalagahan ang sariling wika, makatutulong ito sa ating pagtatag ng nasyonal na identidad. Para hindi tayo pagdiskitahan ng mga gobiyerno at korporasyon ng ibang bansa, Filipino ang gamitin nating business language. Para lalong hindi lumawak ang espasyo ng mga “elite” laban sa mga ordinaryong mamamayan dahil sa language barrier, at lalong maintindihan ang sitwasyon ng mga marginalized na sektor sa Pilipinas, Filipino ang gamitin natin. Para tunay na masuri ang ating konstitusyon at magamit ang saligang batas para matugunan ang pangangailangang judisyal ng mga Pilipino, Filipino ang gamitin natin. Para malaman natin ang tunay na kalagayan ang bansa, Filipino ang gamitin natin. Magsimula tayo sa edukasyon. Pagtuunan natin ng pansin ang katutubong wika at Filipino sa mga paaralan, at bigyang linaw ang mga aralin gamit ang wikang alam natin.

essays

Previous post Next post
Up