Pangit Ka: Si KC Concepcion at ang Mundo ng mga Komersiyal
Kung titignan natin ang mga sikat na komersiyal para sa babae sa telebisyon, ako na siguro ang ehemplo ng isang pangit na babae. Hindi mahaba, makintab, at unat ang aking buhok. Hindi matangos ang aking ilong. Hindi ako maputi; hindi ako chinita o mestiza. Hindi ako matangkad. Tipikal ang aking hitsura sa Pilipinas; pinay na pinay ang dating. Higit sa lahat, hindi ako kasing ganda ni KC Concepcion.
Araw-araw, gabi-gabi, makikita mo si KC Concepcion, basta’t manood ka ng tv. Ang pinakamadalas niyang komersiyal ngayon ay para sa mga shampoo. Lagi siyang masaya sa mga ito; palundag-lundag sa kaniyang maayos na kuwarto, tumatawa kasama ang kaniyang mga kaibigan sa isang café, nakikipaglandian sa isang misteryoso at guwapong lalaki sa mamahalin na restaurant. Simple lang naman ang ipinapakita ng komersiyal-kapag bumili ka ng Palmolive, ninipis ang iyong natural na makapal at kulot na buhok at lalambot ang feeling nito. Magmumukha kang artista at maraming hahanga sa iyo. Maiinggit ang mga kababaihan, at makukuha mo ang atensyon ng mga kalalakihan.
Ipinipakita nito na pangit ka, at mayroong malaking kulang sa iyong buhay na kailangan mong iresolba. Normal na Filipina ka lang pero kung gagamit ka ng Palmolive, siguro-siguro lang-makakamit mo ang yaman at ganda ni KC Concepcion. Marami pang komersiyal na ganito ang ipinapahiwatig na mensahe. Hindi nila diretsong sasabihin na ‘pangit ka’; ngunit gamit ang wika at ang mga biswal na imahe, mayroon na silang itinatakdang mga panukat ng kagandahan. Kung mapapansin natin, ang ating standard ng kagandahan ay naka-base sa Kanluran. Ito na nga ang sinasabing propaganda ng post-kolonyal na bansa. Ang tumingala sa mga puti na hindi natin kamukha, hindi lamang sa mga aspektong kultural o politikal, pati na rin sa ideolohikal. Tulad na lamang sa mga komersiyal ni KC: kapag buhok ang pinaguusapan, gusto natin ang unat na unat dahil ‘malinis’ ito tignan at hindi ka mukhang ‘aeta’.
Sino nga ba ang nag-imbento ng ganitong sistema? Sa aking palagay, hindi lang ito problema ng labis na paghanga sa Kanluran; kung gagamit tayo ng gender theory ay makikita natin na naka-base sa male gaze ang ilan sa mga komersiyal para sa shampoo. Kung ano ang stereotipikong nais ng mga lalaki na hitsura ng kababaihan, iyon ang dapat ipakita sa iskrin para lalong pumatok sa mga tinedyer o sa mga single at naghahanap. Subalit hindi lang lalaki ang may male gaze. Maaari ring iakma ng isang babae ang male gaze upang husgahan ang kaniyang sarili at ang kapwa niyang babae. Nabubuhay ang mga komersiyal na ganito sa mapanlinlang at mapanghusgang paraan: ang lalo pang imudmod sa lupa ang iyong self-esteem hanggang sa mandiri ka na sa iyong sarili, sa iyong pagiging Pinay. Siyempre, kasama na rin diyan ang malaking kita na makukuha ng mga kumpanya dahil sa dami ng mga insecure na gustong gumanda.
Inaamin ko na bitter ako sa mga katulad ni KC Concepcion. Buong buhay ko noong nasa all-girls na eskuwelahan ay lagi akong lalaking katutubo, magsasaka, pulubi, o halimaw tuwing mayroon kaming dula. Habang ang mga mapuputi’t unat ang buhok, mga prinsesa, diwata. Mga bida. Hindi maikakaila na malakas ang impluwensiya ng ganitong klaseng komersiyal sa pag-iisip ng mga kababaihan, simula pagkabata. Mabuti na lang at pumasok ako sa kolehiyo at nalaman kong hindi rin pala okey ang maging Maria Clara. At mas lalong hindi ako magiging katulad ni KC Concepcion dahil ibang-iba ako sa kaniya. Sana lang ay huwag akong husgahan ng iba. (for the record, hindi epektibo ang Palmolive sa aking buhok. Tumitigas siya.)