tulak ng bibig (kabig ng dibdib)

Sep 26, 2015 19:27

Title: tulak ng bibig (kabig ng dibdib)
Pairings: Jongin/Kyungsoo
Genre: fluff, romance
Rating: pg-13
Length: 1600 words
Summary: Kung iniisip niyo na may gusto si Kyungsoo kay Jongin, aba wala. Wala. Wala talaga.
Notes: this was orignally written for narito kami!



Minsan na ring sumagi sa isip ni Kyungsoo habang minamaneho niya ang pampaseherong bus na ito sa kahabaan ng EDSA, na baka nga nananadya na lang si Jongin. Kasi parang hindi naman na ata normal. Parang hindi na rin tama. Nakakabastos na rin kasi yung pasulyap-sulyap niya kay Kyungsoo habang yung ate sa tabi niya na sa may Shaw raw bababa, kilig na kilig na dahil sinabi ni Jongin na maganda raw siya. (Kung si Kyungsoo ang tatanungin, hindi naman kagandahan si ate. Maputi lang.)

Kasi naman kung talagang ganun na lang lumandi sa ibang mga pasero si Jongin, aba baka hindi lang pagsemplang at pagdulas sa bilis nang andar ng bus ang abutin niya. Baka kaladkarin na siya ni Kyungsoo palabas ng bus at iwan sa gitna ng EDSA.

Kung iniisip niyo na may gusto si Kyungsoo kay Jongin, aba wala. Wala. Wala talaga. Kasi hindi pumapatol si Kyungsoo sa malalandi. Kahit na sobrang gwapo at kisig pa. Kahit na sweet pa. Kahit na mabait naman kahit papaano. Kasi aanin naman niya lahat ng ‘yon, kung isang barangay naman ang makikihati sa kanya diba? Kaya kung si Jongin na lang rin, wag na!

Traffic nanaman sa EDSA kaya mukhang matagal-tagal pa ang biyahe nila. Ni hindi pa nga nila nalalagpasan yung Megamall kahit halos dalawang oras na mula noong nadaanan nila yung GMA. Isa ‘to sa mga pinaka-ayaw ni Kyungsoo. Kasi tuwing traffic, daig pa ni Jongin ang mga Miss Friendship at Miss Congeniality sa beaty pageant sa barangay nila.

Lahat ng pasehero nila, chichikahin nito. Minsan may kinikindatan pa siya. At ang malala, may nanghihingi pa ng number nito at binibigay naman niya. At hindi lang ‘yon minsanan, dahil napakaraming beses na ring nangyari lahat ng iyon.

Wala talagang gusto si Kyungsoo kay Jongin. Nakakainis lang kasi.

Kumilos na rin sa wakas yung mga sasakyan sa harap nila pero bago pa siya makalayo and bumilis nang tuluyan, may nahagip yung mga mata niya sa rear view mirror. At napapreno siya. Nang madiin.

“Kuya naman, dahan-dahan!”

“Oo nga!”

“Muntik nang madulas si Kuya Pogi oh!”

“Oo nga Kyungsoo, dahan-dahan lang, maraming mga nakatayo lang dito oh!”

Napairap na lang siya dahil alam naman niyang gusto lang gatungan ni Jongin yung mga reklamo ng pasahero. Alam naman niya noon pa kung bakit si Jongin yung binigay sa kanyang konduktor at hindi si Yifan o kaya si Minseok. Kasi siya, mailap sa mga tao, tahimik at medyo mataray sa unang tingin. Kaya ang sinama sa kanya ay si Jongin na kabaliktaran ng lahat ng ‘yon. Mga ilang buwan pa lang naman si Jongin bilang konduktor niya, pero kung pwede lang siyang magmakaawa kay Yixing ginawa na niya. Kaso hindi na pwede kasi ang huling balita, nakaalis na daw si Yixing at nakasakay na ng barko.

Hindi naman niya pwedeng ireklamo si Jongin sa boss nila dahil pamangkin siya nito, kaya wala rin siyang mapapala. Kaya sa halip na sayangin ang oras niya sa kakaisip kung paano maalis si Jongin sa bus na ‘to, pinag-iisipan na lang niya kung kailan siya makapagpapadala ng pera sa nanay at tatay niya sa probinsya.

Nung huling tawag ng nanay niya, binalita nito sa kanya na maganda naman yung takbo nang sari-sari store na ipinundar niya. Laking tuwa lang niya na mabuti naman ang lagi ng mga magulang niya. Iyon lang naman ang tanging hangad niya at ang dahilan kung bakit siya nagtatrabaho nang mabuti.

“Kyungsoo…”

Hindi na siya lumingon pa kasi alam naman niyang si Jongin ‘yon at baka maaksidente pa sila kung inalis niya ang tingin niya sa daan, “Oh
bakit?”

“Galit ka ba?”

“Bakit naman ako magagalit?” sagot niya.

Lagi naman silang ganito kaya sanay na siya. Mang-aasar si Jongin. Tapos maiinis siya. At pag nainis na siya, kukulitin naman siya nito.

“Parang galit ka kasi kanina… Anong meron?” ani nito, na para bang nang-aasar pa rin ang tono.

Napaisip siya saglit, ano nga bang meron? Wala naman siyang gusto kay Jongin. Kasi bakit nga naman diba? Talagang naiinis lang siya na binibitbit pa ni Jongin yung paghahanap ng kalandian sa trabaho. Yun lang yun.

“Wala, pagod lang siguro ako. Sige na, dun ka na.”

“Ha? Sige, sabihan mo lang ako kung hindi mo na kaya ha? Tsaka sabayan na kita umuwi!”

Tumango na lang siya at sinabing, “Lagi mo naman ako sinasabayan sabihin kong wag na diba?”

“Grabe ka naman, Kyungsoo. Nag-aalala nga kasi ako sa’yo, hindi ka nanaman nga kumain kanina eh!”

“Eh wag, hindi ko naman sinabing mag-alala ka. Kaya ko naman.”

“Hindi ko naman kasi mapipigilan mag-alala kung hindi mo naman inaalagaan sarili mo…”

Natahimik si Kyungsoo kasi parang biglang bumilis yung tibok ng puso. Na hindi dapat. Hindi pwede.

Hindi na siya sumagot at hinayaan na lang niya kusang umalis si Jongin. Matagal nang ganun si Jongin. Hindi niya lang nilalagyan na anumang malisya. Hindi niya kasi alam kung anong paniniwalaan niya, dahil ang dami niyang naririnig. Ang daming mga sabi-sabi na kahit anong gawin niya, hindi mawala-wala sa isip niya. Kaya pinagdududahan niya ang mga intensyon ni Jongin. At ang pagdududang ito ay lagi lang ring ginagatungan ng mga pinaggagagawa nito sa trabaho.

Kaya hindi pwede. Kasi kung magugustuhan niya nang tuluyan si Jongin, alam niyang masasaktan lang siya.

🚌 🚌 🚌
“Oh, himala at walang naghatid sa’yo ngayon!”

Alam niyang hindi siya makaka-akyat sa third floor, kung nasaan yung maliit niyang apartment, nang walang nakakapansin na hindi niya kasama si Jongin. Lahat ata ng tao na nakatira sa apartment complex, kilala na si Jongin dahil sa madalas niyang pagsama at paghatid kay Kyungsoo. Noong una, hindi niya hinahayaang sumunod si Jongin hanggang sa pintuan ng apartment niya. Hanggang sa kanto lang siya pumapayag, pero kinalaunan, pumayag na rin siya kasi sobrang kulit lang ni Jongin. Hindi sila sabay umuwi dahil nagmamadali si Jongin kanina, sabi niya may importante daw siyang dadaanan.

Nasa 2nd floor pa lang siya, at nasaktuhan niyang nakatambay sa labas ng bahay si Tiffany, yung anak ng may-ari ng apartment complex. Mabait ito at pala-ngiti. Konti lang ang tanda nito sa kanya, at parang nakatatandang kapatid na niya ito.

“Grabe naman ate, hindi naman po ako di-hatid!”

Natawa naman si Tiffany sa sagot niya. Noon pa siya inaasar nito. Una pa lang na pagtapak ni Jongin sa apartment complex nila, mapang-asar na tingin na ‘yung binato sa kanya ni Tiffany.

“Hindi ka ba talaga nililigawan ni Jongin? Kasi Kyungsoo, sobrang bagay niyo lang talaga eh. Tsaka ramdam ko, may gusto talaga ‘yun sa’yo!”

Magsisinungaling siya kung sasabihin niyang kahit kailan hindi sumagi man lang sa isip niya na baka nga may gusto talaga sa kanya si Jongin, na baka tapat at seryoso naman yung mga pagpaparamdam niya. Pero hindi siya mahilig mag-assume, kaya hangga’t wala namang sinasabi sa kanya si Jongin, walang ligawang nagaganap.

“Ate naman, walang ligawan. As in wala talaga!”

Hindi mukhang kumbinsido si Tiffany, pero bigla na lang itong napangiti, “Sigurado ka ba? Kasi may harana pa nga atang magaganap eh!”
Napalingon siya sa direksyon na nakaharap si Tiffany at totoong andun nga si Jongin. Na may dalang gitara at bulaklak.

Hindi niya alam kung anong dapat niyang maramdaman, pero sobrang bilis ng tibok ng puso niya. Sa sobrang bilis, siguro kung hikain pa rin siya, inatake na siya.

“Kyungsoo, hindi ko alam kung manhid ka ba o malabo lang talaga ako. Kasi akala ko malinaw naman na gusto kita, noon pa. Kinukulit kita para pansinin mo ako. Inaasar kita kasi ang cute mo pag galit ka.”

Alam niyang sobrang pula na ng mukha niya kaya agad niyang tinakpan ito gamit ang pareho niya kamay. Siguro ito lang talaga yung hinihintay niya, ‘yung sabihin mismo ni Jongin kung anong intensyon niya.

Kasi totoo namang ‘actions speak louder than words’, pero iba pa rin yung may malinaw na pagpapahayag ng nararamdaman.

“Alam mong hindi ako kumakanta, pero para sa’yo, gagawin ko.”

Uso pa ba ang harana?
Marahil ikaw ay nagtataka
Sino ba 'to, mukhang gago
Nagkandarapa sa pagkanta
At nasisintunado sa kaba.

Tandang-tanda niya yung pagtanggi ni Jongin noong nagkayayaan yung mga kasabay nila ng garahe na magkaraoke. Ayaw na ayaw nitong kumakanta, at mas gugustuhin pa niyang sumayaw. Kaya napakalaking bagay ng panghaharana na kay Kyungsoo ngayon.

Puno ang langit ng bituin
At kay lamig pa ng hangin
Sa'yong tingin akoy nababaliw, giliw
At sa awitin kong ito
Sana'y maibigan mo
Ibubuhos ko ang buong puso ko
Sa isang munting harana para sayo.

Kung hindi pa siya tinulak ni Tiffany, tuluyan na niyang makakalimutan gumalaw. Nasa second floor lang naman siya, pero pakiramdam niya galing pa siyang seventh floor. Kasi para bumagal yung oras, at parang sobrang tagal lang ng bawat hakbang niya.

Totoo pala ‘yun, sabi niya sa sarili niya. Totoo pala yung slow motion.

Pagdating niya sa may gate, nandun na si Jongin na naghihintay sa kanya, na may malaking ngit sa mga labi niya.

Isa sa mga bagay na pilit niya ipinagkaila sa sarili niya noon ay ang katotohanang gandang-ganda siya sa ngiti ni Jongin. Na tuwing may nginingitian si Jongin na pasahero nila, naiinis siya dahil masyadong ipinagkakalat ni Jongin yung ngiti na akala niya kanya lang. (Oo, dakilang in denial siya pero dakilang possessive pa rin.)

“Kyungsoo, sana ‘wag kang maniwala sa sabi ng iba. Kasi totoong gusto kita, promise. At seryoso ako, kaya sana bigyan mo ako ng chance na patunayan ‘yun sa’yo.”

Tumango na lang siya kasi wala naman siyang ibang gustong sabihin pa. Kasi malinaw naman na ang lahat.

Gusto siya ni Jongin. At baka gusto rin niya si Jongin.

(Sa totoo lang gusto niya talaga si Jongin, in denial nga lang talaga siya.)

pairing: kaisoo, length: one shot, member: kyungsoo, member: jongin

Previous post Next post
Up